Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ano ang mensahe ni Paolo Ballesteros para sa 'asawa' niyang si Valerie Weigmann?


Nagparating ng suporta ang host at aktor na si Paolo Ballesteros sa kanyang Eat Bulaga "asawa" at beauty queen na si Valerie Weigmann ngayong palapit na nang palapit ang paglipad nito sa London para sa Miss World 2014.
 
Ayon kay Paolo sa isang phone interview sa Tonight with Arnold Clavio nitong Martes, “Gawin mo lang din yung kamukha ng ginawa mo sa Miss World Philippines na napakaganda at very confident. And good luck. Nasa likod mo lang lahat kami. Lahat ng mga Dabarkads at mga Pilipino.”
 
 
Dagdag pa niya, deserving umano ang dalaga sa tagumpay na nakakamit dahil bukod sa pagiging maganda at sexy, mabait din daw si Valerie. 
 
"Nung nakasama namin sa All for Juan, nakita namin medyo loka-loka pa,” pabiro pang sabi ni Paolo.
 
Matatandaang inamin ni Valerie kamakailan lamang na si Paolo ang humikayat sa kanya na sumali sa Miss World. Kwento pa niya, “He always told me [to join] when I was working as an on-the-job trainee. He told me, ‘Val, try mo naman. Sayang kasi [if] you never try joining a pageant. So try to gain an experience out of it.'”
 
Pinayuhan pa umano siya ni Paolo na magkaroon ng "win-or-lose attitude" pagdating sa beauty pageant. Matapos nito, hinikayat na rin siya ng mga kasamahan sa Musikaramay foundation, at nagdesisyon na nga si Valerie na sumali sa Miss World Philippines, na nauwi sa pagsungkit niya ng korona.
 
Nagpapasalamat si Valerie sa mga kaibigang tulad ni Paolo na naunang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob na sumali sa mga beauty pageant, na siyang naging daan sa mga magagandang bunga nito ngayon.  — Bianca Rose Dabu/JST, GMA News
LOADING CONTENT