Naging usap-usapan kamakailan ang pagdidisiplina ng mga guro sa mga estudyante. Kabilang dito ang pagpapalabas sa mag-aaral sa classroom bilang parusa kung may maling ginawa. Kung batas ang pag-uusapan, ano ang tamang proseso kung may reklamo ang magulang laban sa isang guro? Panoorin.

Sa "Kapuso Sa Batas" ng Unang Hirit, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion na bawal ipa-force resign ng isang kawani tulad ng guro dahil sa security of tenure na nasa sa ilalim ng Labor Code.

Kung nais man na paalisin ang isang kawani sa trabaho, dapat daw na mayroong "authorized or just causes."

Sa usapin ng mga guro, ipinaliwanag ng abogado, na kung may reklamo laban sa isang guro, dapat na pumunta sa paaralan ang nagrereklamo para makapagsumbong sa school head at maghain ng pormal na reklamo laban sa guro.

Kung hindi ito pinansin, maaaring mag-file naman ng reklamo sa School Division Superintendent.

Mayroon aniyang Magna Carta for Public School Teachers para dumaan sa tamang proseso ang mga reklamo tulad ng pagsasagawa ng fact-finding investigation at pagbibigay ng counter-affidavit ng mga sangkot na partido.

Kung hindi naman nasiyahan ang magulang sa resulta ng kaniyang reklamo, maaari niyang idulog ang kaso sa DepEd Secretary o korte.

Tungkol sa mga kawani, ipinaliwanag ni Atty. Concepcion, hindi tama ang "forced resignation" sa isang empleyado sa pamamagitan ng isang third party na nananakot na ipasasailalim siya sa trial by publicity.

Mapaaalis lamang ang isang empleyado bilang "general rule" kung may termination for cause ang employer o kung boluntaryo ang resignation.

Kung ipipilit ng employer, maaari siyang kasuhan ng kaniyang kawani na pupuwersahin niyang umalis sa trabaho.

Labag aniya sa batas ang resignation na pinirmahan ng isang empleyado dahil sa pamimilit o pananakot ng employer, at maaaring makasuhan ang employer dito ng illegal dismissal.

Panoorin ang buong talakayan sa isyu sa video sa itaas.--FRJ, GMA News