Sinong mag-aakalang makikita ko, sa kalagitnaan pa ng quarantine, itong magpapatibok ng puso ko, magpapautal sa aking pagsasalita, at magpapanginig sa aking mga kalamnan? At matapos ang panginginig ay pagpapawis nang malamig, mapapangiti ako. Inilapit ko ito sa aking bibig. Isang lagok—Ah. High na uli ako matapos ang pangatlo kong baso ng kape. Nasa punto na ako ng buhay na hindi ako nagkakape para magising, kundi wala lang kasi talaga akong magawa.
Sa isang taon ba namang lumipas mula nang pagbawalan tayong lumabas sa bahay, malamang nagawa na natin ang lahat ng pwede, at mas bukas na tayo sa bagong mga karanasan—may mapaglaanan lang ng oras. Itong kawalan din siguro ng magagawa, o ang pangangailangan ng ibang magagawa bukod sa pag-aaral at pagtatrabaho, ang nagtulak sa akin, at marahil sa iba pa, na kilalanin ang kapeng higit sa 3-in-1, Kopiko black sa bote (they shall be missed), at frappe.
Mula nang mahilig ako sa kape, mas lalo kong nadama at naisapuso yung kantang “babangon tayo, susulong tayo,” kahit ayaw ko sa kumpanyang ito. Gawin ba naman kasing marketing strategy ang pagpaplasta ng mukha ng mga magsasakang inaabuso nito sa mga produkto. Pagkalagok ng unang tasa ng kape sa umaga, feel na feel kong kaya ko nang harapin ano pang ibato ng mundo at manatili pa ring kasing fresh ni Liza na tumatakbo sa beach. Feel ko lang iyon, siyempre; lugmok pa rin ako, pero ngayon may kasama nang nginig at kaba.
Aaminin ko, may kayabangan ako pagdating sa klasik at edgy kong paggawa ng kape. Palibhasa’y sa lahat ng ginagawa ko ngayon, sa pag-aaral at maging sa Kulê, dito ko nararamdamang magaling ako. Di gaya ng pinagsusulat ko rito at sinasagot ko sa mga pagsusulit, may kasiguruhan sa eksaktong mga sukat ang pagtitimpla ng kape. Mayroong kapanatagan sa tunog ng mga coffee beans na unti-unting nadudurog sa hand grinder, at sa pagdaloy ng tubig mula dripper patungong baso. May kasabikan sa bawat higop dahil laging may bagong lasa’t aroma na inaalok ang iba’t ibang beans. Taliwas ang karanasan ko sa paggawa ng kape sa tila mekanikal kong pag-aaral at pagta-trabaho.
Sa mabilis at walang patid na pagdating ng masasamang balita sa atin araw-araw, ang pagkakaroon ng hobby ay isang paraan natin upang makaraos. Sa kasukdulan, ito ay saglit na pagtakas sa kabalisahan ng mga bagay. Wala namang mali sa pangangailangang huminga o magbawas ng kabigatan lalo ngayong nilulunod tayo ng sunod-sunod na masasamang balita. Ngunit replektibo ang ganitong karanasan natin sa ating kalagayan. Hindi natin nakikita ang kapahingahan sa trabaho o pag-aaral dahil tila mekanikal ang paggawa natin dito, hiwalay tayo rito. Kailangan natin ng mapaglalaanan ng ating pagkamalikhain, isang gawaing mararamdaman at maaangkin nating sa’tin.
Hindi natin nakikita ang ating sarili sa mga ginagawa dahil tila mekanikal na lamang ang paggawa, kaya hinahanap-hanap natin ang isang aktibidad na magiging lagusan ng pagiging malikhain natin, isang gawaing mararamdaman at maaangkin nating sa’tin.
Malaon nang napatunayan ng mga propesyunal na mga sikolohista na mahalaga ang pagkakaroon ng aktibidad na labas sa ating rekisitong gawin. Sa isang sarbey sa mga manggagawa sa Estados Unidos noong 2009, napatunayan ang benepisyo ng mga hobby sa pangkalahatang mental, emosyonal, at pisikal na kalusugan ng tao. Gayunman, lumabas din sa sarbey na ang mga empleyadong may hobby ay kadalasang silang matataaas ang suweldo, may mataas na posisyon sa trabaho, at mataas ang pinag-aralan.
Ang kakayahan kong magpursige sa interes ko sa specialty coffee ay naglalantad ng mas komportable kong katayuan dahil alam kong hindi lahat ay may oras at puhunan na kayang ilaan para magpakahusay dito. Sa katunayan, may mga magsasaka pa nga ng kape na hindi pa natitikman ang sarili nilang produkto. Mulat man sa katotohanang ito, hindi ko pa rin mapigilang pindutin ang checkout. Kinukumbinsi ko ang sarili kong ito na lang ang pambawi ko sa paghihirap, pagpupuyat kong maglabas ng mga salita para lang sa kaunting allowance.
Oo, minsan sinasampal ko ang sarili ko kapag naglulustay ako ng pera sa gitna ng krisis, kung kailan maraming naghihirap. Ginigising ko ang sarili ko sa katotohanang tulak lang ng kapitalismo itong pagnanais kong mangolekta ng maraming kagamitan. Sila naman kasi ang nagmamanupaktura ng ilusyon ng pangangailangan ko sa bagong mga bilihin, at ito mismo ang nais nila: isubsob ko ang sarili ko sa paghihirap dahil makakalasap naman ako ng kaunting kaligayahan. Pero masarap naman ang kapeng nagagawa ko!
May ganitong tendensiya man ang karamihan sa mga hobby, naniniwala akong posible pa ring maging paglaban sa sistema ng merkado ang mga aktibidad na ito. Sa pagpursige sa mga personal na libangan natin mas nararamdaman ang pagiging layo natin sa paggawa, at dito mas lumalakas ang tulak sa ating tumaliwas na sa dikta ng merkado. Siguradong darating din ang araw na ang mismong mga magsasaka ng kape ang magpapalawig sa aking kaalaman, at ang specialty coffee ay hindi na kasing espesyal, kasing gara, dahil lahat ay may akses dito.